Pasado alas 10:00 ng gabi, dumating ang pangulo at nagbigay-respeto sa labi ng kanyang namayapang ama at ina.
Matapos ito, nagpaunlak ng panayam si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nag-aabang na mamamahayag.
Sa kanyang mensahe, kinumpirma ng pangulo na kanya nang natanggap ang resignation ni dating pangulong Fidel V. Ramos na bumibitiw na sa kanyang puwesto bilang special envoy to China.
Pinasalamatan ni Pangulong Duterte si Ramos sa tulong nito.
Aminado rin si Pangulong Duterte na may mga pagkakataong magkaiba sila ng pananaw ng dating pangulo.
Inamin din ni Pangulong Duterte na hindi sila nagkaintindihan sa posisyon niya ukol sa isyu ng kanyang independent foreign policy at ang panghihimasok ng Amerika sa usapin ng pinaigting na anti-durg campaign sa bansa.
Gayunman, kanya aniyang nirerespeto ang pananaw nito bagama’t magkaiba aniya ang kanilang istilo.
At kung handa aniya si dating Pangulong Ramos na makinig sa kanya, handa pa rin siyang konsultahin ito sa iba’t-ibang mga isyu.
Matatandaang nagbitiw si dating pangulong Ramos bilang special envoy to China nitong nakaraang araw.
Bago magbitiw, matatandaang nagpahayag ng kanyang opinyon si Ramos na tila kumukontra sa tinatahak na direksyon ng Duterte administration partikular sa isyu ng hindi pagsuporta sa climate change pact at mga banat hinggil sa Amerika.