Concert laban sa Marcos burial, kasado na sa Luneta sa Nov. 6

 

Isang malaking concert ang isasagawa ng mga anti-Marcos, ilang araw bago pagbotohan ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa paghihimlay kay Dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani o LNMB.

Ang naturang pagtitipon, na pangungunahan ng Coalition Against the Burial of Marcos at Libingan ng mga Bayani, ay gaganapin sa Lapu-Lapu Monument sa Rizal Park sa November 06, mula alas-kwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.

Ang konsyerto ay tinatawag nilang “Pray for Eight – A Prayer Concert”, o kantahan at pagdarasal na makamit nila ang hindi bababa sa walong boto upang mabasura ang Marcos hero’s burial.

Kabilang sa mga inaasahang magtatanghal sa concert ay sina Noel Cabangon, Bayang Barrios, Chikoy/The Jerks, Jim Paredes at Cookie Chua.

Inanyayahan naman ng grupo ang publiko na makibahagi sa pagtitipon at sabay-sabay na igiit na huwag mailibing sa LNMB ang anila’y diktador na Marcos.

Matatandaang pumabor na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Marcos burial, kabi-kabilang petisyon ang inihain sa Supreme Court para kontrahin ito.

Noong September 18 naka-iskedyul ang paghihimlay kay Marcos sa LNMB, pero naudlot ito dahil dinidinig sa Mataas na Hukuman ang mga petisyon.

Read more...