Mga sugatang sundalo sa engkwentro sa Sulu, dinalaw ni Duterte

 

File photo

Personal na pinuntahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong nasugatan sa pakikipag-sagupaan sa mga miyembro ng bandidong Abu Sayyaf noong Linggo.

Dalawang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at ng mga Abu Sayyaf ang naganap sa Sulu noong Linggo, ang una ay sa Indanan, Sulu, habang ang pangalawa naman ay sa bayan ng Patikul.

Sa unang engkwentro sa Indanan, dalawang miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi nang makaharap nila ang 11th Scout Ranger Company.

Anim na miyembro ng teroristang grupo naman ang patay sa ikalawang engkwentro sa pagitan nila at ng 21st Infantry Battalion sa Patikul, Sulu, ngunit may walong sundalo naman ang nasugatan dahil dito.

Ang anim na sugatang mga sundalo na binisita ni Duterte sa ospital sa Camp Teodulfo Bautista ay sina Corporal Arjay Turingan, PFC Lorenso Agwayan, Technical Sgt. Edwin Ramos, PFC Walter Dumpaw, PFC Hartblayne Akwat at PFC Ladni Basitaw.

Anim lang silang nadalaw ng pangulo sa nasabing ospital dahil inilipat sina Cpl. Junardo Esperansa at PFC Conrad Bagsaw sa Camp Navaroo General Hospital sa Zamboanga City.

Read more...