Palasyo, wala pang kopya ng resignation ni FVR

 

Nilinaw ng Malacañang na wala pa silang natatanggap na liham mula kay dating Pangulong Fidel V. Ramos na naglalahad ng kaniyang pagbibitiw sa pwesto bilang special envoy to China ng administrasyong Duterte.

Ito ay ayon mismo kay Communications Secretary Martin Andanar.

Lumabas kasi ang mga ulat na kinumpirma ni FVR ang kaniyang resignation bilang special envoy mula nang bumalik si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kaniyang state visit sa China.

Pero ayon kay Andanar, hindi naman nangangahulugan ang pagre-resign ni FVR na wala na siyang maiaambag sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa China.

Ngayon kasi aniya pinaka-kailangan ng bansa ang “stature and expertise” ni Ramos, lalo na sa pagpapatuloy ng mga nasimulan sa pagbisita ni Duterte sa China, kaugnay sa pagpapabuti ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Mababatid rin na kamakailan ay panay ang pagbatikos ni Ramos sa mga hakbang ni Duterte at sa mismong administrasyon, sa pamamagitan ng kaniyang column sa isang pahayagan.

Giit naman ni Ramos, ang kaniyang mga kritisismo ay dapat tanggapin ng administrasyon bilang “brotherly advice” lamang.

Read more...