Ayon kay Department of Foreign Affairs o DFA spokesperson Charles Jose, batay sa report ng Philippine embassy sa Rome ay walang Filipino casualties sa itinuturing ngayon bilang pinaka-malakas na lindol sa Italya sa nakalipas na tatlumpu’t anim na taon.
Sa kabila nito, tiniyak ni Jose na patuloy na imo-monitor ng embahada ang sitwasyon ng mga Pinoy sa naturang bansa.
Umapela rin ang DFA sa mga Pinoy sa Italy na maging alerto sa posibleng aftershocks at iba pang maaaring idulot ng lindol.
Kaugnay nito, inilikas ang mahigit tatlumpung Pilipino mula sa Norcia, Italy matapos ang lindol.
Ayon sa opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration, pansamantalang manunuluyan ang mga ito sa Rome, Italy sa isang religious guest house.
Wala namang lubhang nasugatan sa grupo, ayon kay Vhic Ramos, Filipino community leader.
Ang 6.6 magnitude na lindol na yumanig sa Italy kahapon ay ang ikatlong tremor na tumama sa bansa sa loob lamang ng dalawang buwan.
Noong Agosto, magugunitang nagkaroon ng 6.2 magnitude na lindol doon na kumitil sa buhay ng aabot sa tatlong daang indibidwal.