Bumisita na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada ngayong araw sa puntod ng kanyang matalik na kaibigan na si Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery.
Nagsindi ng kandila at nag-alay ng panalangin si Estrada para sa tinaguriang ‘Da King’ ng mundo ng pelikula sa Pilipinas.
Ang puntod ni FPJ sa Manila North Cemetery ang isa sa pinaka-dinadayo o binibisita tuwing Undas.
December 14, 2004 nang masawi si Poe dahil sa stroke.
Samantala, personal na ring nag-inspeksyon si Estrada sa sementeryo upang malaman ang sitwasyon ngayong araw.
Iprinisenta sa alkalde ang mga kinumpiskang gamit na ipinagbabawal na makapasok sa loob ng libingan.
Tiniyak naman ni Estrada na bente-kwatro oras na nakatutok ang Manila Police District sa loob at labas ng Manila North Cemetery.
Hindi lamang aniya para ngayong araw, kundi epektibo hanggang bukas (November 1) kung kailan inaasahang buhos din ang mga taong dadalaw sa mga yumaong kapamilya o mahal sa buhay.