Sa panayam ng Banner Story kay Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., sinabi nito na sa kabuuang labing tatlong bilang ng hostages, tatlo rito ay mga lokal habang ang sampu ang mga banyaga na karamihan ay Indonesians at Malaysians.
Kinumpirma rin ni Padilla na hindi na nila isinasama sa bilang ng hostages ng ASG ang isang Hapones.
Batay sa mga naunang ulat, kusang-loob na pumasok sa bandidong grupo ang Japanese national.
Ayon kay Padilla, batay sa nakalap nilang impormasyon ay tumutulong ang Hapones sa kabilang-panig bilang isang ‘cook’ o taga-luto.
Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy ang military operations laban sa ASG, na nag-umpisa bago pa maging Presidente si Rodrigo Duterte.
Sa katunayan, kahapon ay aabot na sa tatlong engkwentro ang naganap sa pagitan ng tropa ng militar at mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Ang unang bakbakan ay nangyari sa Indanan, Sulu kung saan dalawang ASG members ang napatay.
Ang malaking engkwentro ay naganap naman sa Patikul, Sulu kung saan nakabangga ng mga sundalo ang grupo ni Radulan Sahiron.
Walong sundalo ang nasugatan, kung saan dalawa sa mga ito ang nasa seryosong kundisyon kahapon.
Pero stable na umano ang lagay ng mga ito at kasalukuyang nasa Zamboanga, habang ang iba pang sugatan ay nasa trauma center sa Jolo.