Libu-libong mga pasahero na biyaheng pa-lalawigan upang doon mag-Undas ang inaasahang hahabol sa iba’t ibang bus terminals sa Kalakhang Maynila ngayong Lunes.
Ayon kay Roland Tagle, terminal coordinator ng Araneta Bus Terminal, pitong libo o higit pang pasahero ang posibleng bubuhos sa naturang terminal, ang karamihan ay patungong Visayas gaya sa Samar at Leyte.
Nakaantabay pa rin ang ilang medical personnel sakaling may mangailangan ng atensyong-medikal tulad ng pagkahilo at high-blood pressure.
Sa kasalukuyan aniya, wala pang naitatalang untoward incident sa Araneta bus terminal.
Pero tiniyak ni Tagle ang mahigpit na seguridad sa terminal ng bus, para na rin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Muli ring ipinaalala ni Tagle na walang pagtaas sa pasahe, at ang anumang reklamo ay maaaring iparating sa pamunuan ng bus terminal.
Sa mga terminal naman ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA, mas maraming pasahero na ang dumating ngayong araw.
At dahil dito, mahaba ang pila sa mga departure area at check-in counters.
Sa kabila ng mahabang pila, wala namang iba pang reklamo mula sa mga mananakay.
Patuloy ding nagbabantay ang mga tauhan ng Philippine National Police o PNP sa loob at labas ng NAIA terminals.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard, as of 12AM, ay nasa 41, 637 na outbound passengers ang namonitor sa lahat ng mga port o pier.