Bomba natagpuan pag-alis ni Duterte sa Cotabato City

 

Inquirer file photo

Ilang oras matapos umalis si Pangulong Rodrigo Duterte sa Cotabato City kung saan siya naglunsad ng mga anti-poverty programs, narekober ng mga pulis at militar ang isang improvised explosive device (IED) mula sa bahay ng isang suspek sa Davao City bombing.

Ayon kay Supt. Romeo Galgo Jr. na tagapagsalita ng Police Regional Office 12, natanggap ng Cotabato City police ang impormasyon tungkol sa hinihinalang IED sa bahay ni Mohammad Lalaog Chenikandiyil alyas Dayu Boi.

Dahil sa impormasyong ito, narekober nila ang isang 81-mm mortar na may kasama pang triggering devices na baterya at mobile phone, sa Brgy. Rosary Heights 7 sa nasabing lungsod.

Pinuntahan ito ng bomb disposal unit agad nilang na-defuse ang nasabing IED.

Ayon pa kay Galgo, nakabuti ang agad na pagkakatimbre ng impormasyon sa mga pulis dahil nasagip nito ang maraming buhay at ari-arian.

Si Chenikandiyil ay isa sa apat na suspek na naaresto ng mga otoridad sa isang operasyon sa Brgy. Tamontaka sa kahabaan ng Ilang-Ilang Street, Cotabato City.

Bukod sa kaniya ay naaresto rin sina Jackson Mangulamas Usi alyas Abu Mansor/Jam, Zack Villanueva Lopez alyas Haron at Ansan Abdulla Mamasapano alias Abu Hamsa na pawang mga miyembro ng Maute group.

Read more...