Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police ang tahanan ni Libungan, North Cotabato Mayor Christopher Cuan na isa sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa narco-list.
Gayunman, wala namang nakuhang shabu o anumang drug paraphernalia sa bahay ni Cuan sa halip tanging matataas na kalibre ng baril ang nakuha ng mga pulis.
Ayon kay Senior Supt. Emmanuel Peralta, ang hepe ng North Cotabato Police Provincial Office, nakuha sa bahay ng mayor ang armalite rifles, 12-gauge shotgun at mga bala.
Nabatid na nagsagawa ng raid ang PNP sa guard house, motor pool, gasoline station at isang bahay na pawing pag-aari ni Cuan.
Ayon kay Peralta, sinalakay nila ang bahay ni Cuan base na rin sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Alex Betota.
Bigo si Cuan na makapag-presinta ng mga dokumento ukol sa mga nakumpiskang baril kung kaya pansamantalang isinailalim siya sa kostudiya ng Criminal Investigation and Detection Team ng North Cotabato habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni Mayor Cuan na kasama siya sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Arvin Lumanlan, bayaw ni Cuan, hindi kasama sa listahan ang mayor.