Nagsimula nang dumagsa ang ating mga kababayan sa Manila South Cemetery sa Lungsod ng Makati.
Ayon kay Police Senior Inspector Apolinario Balugal ng Makati Police District Sta. Ana Station 6, sa kanilang pagtataya hindi bababa sa 500 na katao na ang dumalaw sa puntod ng yumao nilang mahal sa buhay.
Paalala pa ni Balubal, mahigpit nang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga matatalas o matutulis na bagay, gayundin ang mga alak, baraha at radyo.
Mamayang hating-gabi, hindi na rin papayagan ang pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng sementeryo samantalang ang mga nakaparadang sasakyan sa loob ay palalabasin na.
Dagdag pa ng opisyal, dahil sa long weekend ang paggunita ng Undas ngayong taon, inaasahan nila na bukas at sa Lunes ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo.