Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Dir. Chief Supt. Oscar Albayalde na kasalukuyan pa nilang isinasailalim sa validation ang ilan sa mga impormasyon hinggil sa isinumiteng listahan ng mga artistang sangkot sa droga kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Albayalde, ang nasabing narco-list ay para lamang sa personal consumption ng pangulo at naka-depende na rin ito kung ilalabas niya sa media.
Paliwanag pa ni Albayalde, patuloy nilang bina-validate dahil ang mga nasabing impormasyon ay mula sa mga naarestong indbidwal na kanilang ikinanta sa PNP.
Ani pa Albayalde, sa sandaling mag-positibo ang impormasyon na sangkot sa illegal drug trade ay kanila itong sasampahan ng kaukulang kaso.
Sa ngayon nasa higit 50 na mga artista ang nasa listahan ng NCRPO.
Aniya, halo-halo na ang nasa kanilang listahan, bukod sa mga artista, mga dating artista bagaman hindi naman masabi ng opisyal kung kabilang din dito ang mga host at singer.