Militar at MNLF sa Basilan, nagkasundo na

INQUIRER
INQUIRER

Sa wakas ay nagkasundo na ang Philippine Army at ang Moro National Liberation Front (MNLF) para ayusin ang kanilang naging alitan na nag-ugat sa pagkamatay ng isang miyembro ng MNLF.

Matatandaang Agosto ng nakaraang taon, isang miyembro ng MNLF ang nasawi sa engkwentro sa mga sundalo na tumutugis naman sa Abu Sayyaf.

Dahil sa insidente at sa kakulangan ng koordinasyon, hindi na pinayagan ng MNLF na papasukin ang mga sundalo sa kanilang mga lugar sa tuwing magsasagawa sila ng operasyon.

Humihingi rin ang MNLF ng P150,000 na halaga ng blood money dahil sa pagkasawi ng kanilang miyembro, bilang bahagi ng kanilang kasunduan.

Sa halip na banta sa seguridad, mas ikinukonsidera ng mga sundalo na katuwang sa pagsusulong ng kapayapaan sa Basilan ang MNLF.

Kaya naman pinangunahan ni 4th Special Forces Battalion commanding officer Lt. Col. Andrew Bacala ang pag-aayos ng magkabilang panig sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Bacala, bagaman hindi sila makapagbibigay ng blood money, batid nilang kailangan nilang ayusin ang problemang ito.

Kung hindi kasi aniya magkakasundo ang magkabilang panig, hindi sila makakapasok sa ilang mga lugar at hindi rin sila makakausad sa operasyon kung hindi sila magpapaalam.

Mas makabubuti rin aniya na kapag pupunta sila doon, wala na silang alinlangan at iisipin na baka sila ay matambangan.

Naroon ang parehong panig sa pagsasaayos ng problema, habang binayaran naman ng lokal na pamahalaan ang blood money na hinihingi ng Basilan.

Ayon naman kay Commander Abugao ng MLF sa Brgy. Masola, mabuti na rin na nagkasundo na sila ng Armed Forces of the Philippines para sa kapayapaan sa kanilang lugar.

Ngayon ay pahihintulutan na aniya nila ang mga sundalo na dumaan sa kanilang mga lugar basta’t may maayos na koordinasyon upang hindi na maulit ang insidente noon.

Read more...