Nagsimula na ngayong araw ang pasukan sa ilang Unibersidad sa Metro Manila na nagpatupad ng bagong school calendar.
Sa De La Salle University sa Taft Avenue sa Maynila maagang pumasok ang mga estudyante para dumalo sa kanilang orientation.
Kabilang ang DLSU sa mga eskwelahan at unibersidad na nagpatupad sa bagong school calendar na sa halip na buwan ng Hunyo ay inilipat ng Agosto ang pasukan.
Ang orientation para sa mga freshmen students sa De La Salle ay gaganapin sa Henry Sy Hall ng paaralan.
Samantala ang University of Sto. Tomas naman na kabilang din sa nagpapatupad ng bagong school calendar ay magdaraos muna ng isang misa ngayong unang araw ng klase. Magdaraos din ng orientation ang UST para sa mga freshmen students.
Hindi makakasama sa orientation na ito ang kontrobersiyal na salutatorian na si Krisel Mallari.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Persida Rueda-Acosta, hepe ng Public Attorney’s Office (PAO) hindi pa ganap na nakaka-enroll si Mallari sa UST dahil late na itong nakapagsumite ng Certificate of Good Moral Character na kabilang sa mga requirements ng unibersidad.
Ayon kay Acosta, bukas pa malalaman kung tatanggapin si Mallari bilang estudyante sa UST, kahit isa siyang late enrollee. / Ruel Perez, Dona Dominguez-Cargullo