Nagkaroon kaagad ng mga reaksyon mula kina Sen. Grace Poe at Vice President Jejomar Binay, pero tahimik pa rin ang kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Lumalakas na rin ang pahiwatig na seryoso na itong kampo ni Sen. Bongbong Marcos na tumakbo sa pagkapangulo, habang patuloy naman ang patutsada ni Sen. Miriam Santiago na balak din niyang tumakbo sa Mayo.
Palaisipan pa rin hanggang ngayon kung sino ang magbi-bise kay Roxas, Poe at Binay.
Ayon sa aking source, patuloy na kinukumbinse ng Liberal Party si Poe na mag-bise kay Roxas. Pero kung siya ay tatanggi at tatakbong pangulo, siya ay ipapa-DQ (disqualify).
Hindi ako nagtataka rito, dahil sa ngayon ang mismong COMELEC ay merong limang commissioners na identified sa LP at kay Roxas. Pero, ang pambalanse rito ni Grace ay 10 naman sa mga Associate Justices sa Korte Suprema ay hindi hawak ng LP kundi pawang appointee ng dating administrasyon.
Kaya, pwedeng sabihin ng Comelec na “disqualified” si Poe, pero ire-reverse ng Korte Suprema.
Kung hindi matuloy ang Roxas-Poe, isang alternatibo si Rep. Leni Robredo bilang VP ni Roxas.
Patuloy na iintrigahin ng LP si Vice Presidential hopeful Sen. Chiz Escudero para di matuloy ang kandidatura ni Poe at ang kanilang “independent presidential team”.
Si Chiz daw kasi ang pumipigil kay Poe sa alok ni PNoy na maging bise ni Mar. Ngayong nag-resign si Chiz bilang Chairman ng makapangyarihang Senate Finance Committee, inaasahan kong maraming negatibong balita pa ang lalabas tungkol kay Chiz.
Pero, ang tanong, paano kung magsimula namang magbulgar si Chiz sa mga ginawa ng LP at ng Aquino administration?
Si Binay naman ay meron daw anim na vice presidential hopefuls, kabilang si Marcos. Pero ayon sa aking sources, mukhang plantsado na ang tambalan ni Binay at ng isang kilalang babaeng pulitiko. Pero, hindi pwedeng balewalain din ang kumbinasyong Binay-Marcos. Ito’y dahil ang mga Romualdez ng Leyte na noo’y nakaengkwentro ni Roxas sa bagyong Yolanda ay kabilang na rin sa mga sumusulong kay Binay sa UNA.
Kayat ang nakikita nating may panalong tambalan ay ganito. Grace Poe-Chiz Escudero (Independent-NPC) , Binay-lady politician o Marcos? (UNA), at Mar Roxas-Leni Robredo o Duterte (LP).
Kung titingnan ang “line-up” na ito, nakakatuwang isipin na may kinakaharap na isyu sina Poe (disqualification?) at si Binay (plunder) at sa paglapit ng eleksyon, maglalabasan din ang mga isyu kay Mar Roxas at ang mga di nakakalimutang kapalpakan at anomalya ng Daang Matuwid.
Malapit na rin ang filing ng Certificate of Candidacy, at marami pa talaga ang mangyayari.
At isa na nga rito ang girian ng mga kandidato sa mga political contributors.
Unang-una, hindi ito para sa publiko kundi sa mga “bilyun-bilyong pisong campaign funds” na ibinibigay ng mga negosyante. Ikalawa, ito rin ang panahon ng pusisyunan sa pagkuha ng mga kakamping pulitiko hanggang sa “local level” kasabay na rin ng pangakong pondo sa araw ng eleksyon.
Kaya nga, napakaimportante ng pag-endorso ni PNoy kay Roxas dahil ang ibig sabihin nito, ang makinarya ng administrasyon ay ibinigay sa kanya. Ngayon, kung hindi pa rin siya mag-improve sa “ratings” sa kabila nito, tiyak na lalayuan siya ng mga ngayo’y nakapaligid sa kanya, kabilang na si PNoy.