Umabot na sa 1,725 ang bilang ng mga drug suspects na napapatay sa ilalim ng nagpapatuloy na ‘Project Double Barrel’ ng Philippine National Police (PNP).
Sa datos ng PNP, ang nasabing bilang ng mga napatay na suspek matapos manlaban sa operasyon ay 0.2 percent lamang ng nasa mahigit 750,000 na drug suspects na nagpasyang kusang sumuko.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos na sa kabuuan, 751,703 na ang mga sumusuko. Ito ay katumbas ng 96 percent ng total result ng Project Double Barrel ng PNP.
Ang mga ito aniya ay tutulungan ng pamahalaan na makapagbagong-buhay.
Sa bilang ng mga kusang sumuko, 54,702 ay mga self-confessed pusher at umaabot naman 697,001 ang mga self-confessed users.
Sa nasabi pa ring proyekto, umaabot na sa 31,629 ang naaresto.
Samantala, sa bahagi naman ng pulisya, mayroon nang naitatala na pitong mga pulis ang napapatay sa mga anti-illegal drugs operations habang 24 naman ang nasugatan.
Sa panig ng militar, may tatlo na ang naitatalang napapatay habang walo ang nasugatan sa nagpapatuloy na anti-illegal drugs operations ng pamahalaan.