Tatagal pa ng dalawang buwan bago tuluyang maibalik ang suplay ng kuryente sa malaking bahagi ng Cagayan matapos ang pananalasa ng bagyong Lawin.
Pero target ng Cagayan 1 Electric Cooperative, Inc. (CAGELCO 1) na maibalik ang suplay ng kuryente bago mag-pasko.
Ayon kay CAGELCO 1 General Manager Tito Lingan, buong distribution lines at system ng CAGELGO I na nagsu-suplay ng kuryente sa 11 bayan ang nasalanta ng bagyo.
Kabilang sa mga naapektuhan at nananatiling walang kuryente ang Tuguegarao City, Solana, Enrile, Piat, Tuao, Alcala, Rizal, Sto. Niño, Peñablanca, Iguig at Amulung.
Sa pagtaya ng CAGELCO 1 aabot sa 751 na poste ang nasira at nasa P47 milyon ang total damage cost.
Bahagi ng pagsasaayos ang clearing operations sa mga mga nahulog at nasirang mga poste sa iba’t ibang lugar at ang pagtatayo ng mga bagong poste.
Para sa nabanggit na mga bayan, target na maibalik ng buo ang suplay ng kuryente sa loob ng dalawang buwan.
Habang isang linggo ang target para mailawan ang Maddarulug, Buntun, Pallua Norte, Pallua Sur, San Gabriel, Ugac Norte, Ugac Sur, Catag Nuevo, Catag Pardo, Catag Viejo, Centro 5, Centro 4, Centro 7, Centro 8 at Centro 10.
Ilang pribadong kooperatiba at kumpanya na ang tumutulong sa CAGELCO I para agarang maibalik ang kuryente sa mga nasalantang lugar.
Kabilang dito ang mga ang kooperatiba mula sa Region 3 at Region 8, MERALCO, National Electric Administration at isang pribadong electric company.