Dahil umano sa matinding pangamba kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa kakayahan nito, nagpasya ang self-confessed killer na si Edgar Matobato na dumulog sa Korte Suprema upang maprotektahan laban sa Pangulo.
Sa mosyon na inihain ni Atty. Jude Josue Sabio, legal counsel ni Matobato, hiniling nito na mailipat ang kaso ng kanyang kliyente na nakahain sa Davao City tungo sa Maynila.
Ito’y upang hindi umano maimpluwensyahan ng Pangulo ang naturang kaso.
Dahil aniya mismong si Pangulong Duterte ang sentro ng ‘expose’ at mga miyembro ng Davao City police ang sangkot sa pagsisiwalat ni Matobato, malaki ang posibilidad na malagay sa alanganin ang buhay nito.
Kung pagsasama-samahin aniya ang mga pahayag kamakailan ni Pangulong Duterte at ang mga pagsisiwalat ni Matobato, masasabing isang ‘serial killer, psychopath at mass murderer ang Pangulo, laman pa ng mosyon.
Malinaw din aniyang nasa Maynila na ang mga miyembro ng DDS dahil sa gabi-gabing mga pagpatay sa mga hinihinalang mga gumagamit at nagtutulak ng droga, dagdag pa ni Sabio.
Dahil dito, hiniling ng umano’y Davao Death Squad member sa Court Administrator ng SC na kanselahin ang kanyang arraignment na nakatakda sana sa November 3, habang hinihintay ang desisyon ukol sa sa hiling na transfer of venue.
Nahaharap si Matobato sa kasong Illegal possession of firearms sa Davao City Municipal Trial Court Branch 3.
Si Matobato ang humarap sa senate hearing at nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad na pinamumunuan umano ng noo’y dating Davao City mayor Rodrigo Duterte.