Imbestigasyon sa dispersal sa rally sa US embassy, tatapusin ng CIDG sa loob ng dalawang linggo

Embassy1Dalawang linggo lamang ang ibinigay sa PNP-Criminal investigation and Detection Group (CIDG) para tapusin ang imbestigasyon sa marahas na dispersal na naganap sa US embassy.

Ayon kay Director Benjamin Magalong, PNP deputy director for operations, inaasahan nilang lalabas ang resulta ng imbestigasyon sa November 4.

Nagsumite na aniya ang CIDG ng inisyal na report hinggil sa estado ng ginawang pagsisiyasat.

Umabot na sa 24 na police personnel ang nakapanayam ng CIDG at napanood na din ang video footage mula sa US embassy.

Maliban dito, nanawagan din ang PNP ng iba pang maaring makapagbigay ng video footages para mapag-aralan ang iba’t ibang anggulo sa pangyayari.

Samantala, ang Internal Affairs Service (IAS) ay nagsagawa na rin ng kanilang motu-propio investigation.

Kabilang sa mga nakausap na ng IAS team ay si Senior Supt Marcelino Pedrozo gayundin si si MPD Director Senior Supt Joel Coronel.

Matapos ito ay nagtungo ang team ng IAS sa Philippine General Hospital para kapanayamin sana ang mga nagprotestang nasugatan pero hindi umano sila agad napayagan ng mga opisyal ng ospital.

 

Read more...