Allow me to share a piece of my personal history.
Lumaki ako sa Olongapo City. Lumaki ako na bahagi ng buhay ko ang Subic Naval Base na pinakamalaking base militar ng Estados Unidos ng Amerika sa Asya-Pasipiko.
Lumaki rin ako sa lugar na napakaraming negosyanteng Filipino-Chinese sa lungsod namin. Ang totoo, ang idiniktang salita sa akin ng utak ko ay negosyanteng Intsik dahil iyon naman ang nakasanayan at narehistro na sa utak ko. Pero, hindi politically correct sabi nga. Tulad ng hindi rind aw politically correct ang tawag na Kano at Egoy na nakalakihan ko, terminong narehistro sa utak ko.
Lumaki akong hindi galit sa Amerikano at hindi galit sa mga Tsino o sa kaso ng mga nasa Pilipinas na ang origin ay sa Tsina pa rin, Tsinoy. Lumaki ako na kaibigan ang turing ko sa kanila.
Gusto ko ng siopao, gusto ko din ng burger. Parehong authentic taste ng siopao at burger ang kinasanayan ng aking panlasa.
Noong kabataan ko sa Olongapo, ang performance sa Rizal Triangle ng Seventh Fleet Band ay inaabangan ko.
Tatakbuhin ko lang mula sa tinitirahan namin sa Davidson Street, andun na ako sa Triangle. (Oo, noong mga panahong iyon, may pakiramdam akong isang araw magiging si Lydia De Vega ako, hindi ako naglalakad, lagi akong tumatakbo).
Isa ito sa mga dahilan kung bakit kabisado ko ang national anthem ng Amerika, bata pa lang ako. Isa din sa mga dahilan kung bakit maraming bata ang nanonood noon sa Seventh Fleet Band ay dahil sa namimigay sila ng mga tsokolate ng libre.
Sa mata ng bata noon, hindi naman isang palimos ang tingin doon. Tingin namin…abah, fiesta! May free entertainment na, may libreng tsokolate pa.
Lalo pa na noong panahong iyon, hindi naman lahat nakakabili ng PX goods, o yung mga pagkaing imported na galing sa Amerika, karamihan, de lata. Pag may Spam ka noon, ang yaman ninyo na. Sikat ka na. Ibang level ka na.
Bilang isa sa mga nangunguna noon sa klase (hindi po nagyayabang, requirement kasi iyon para mapabilang), may tinatawag na exchange student program sa mga piling paaralan sa Olongapo City sa George Dewey School sa loob ng Subic Bay Naval Facility at lagi akong napapasama sa ganung student activity, so in a way, nagkaroon na ako ng mga kaklaseng Amerikano kahit na sandal lamang.
And I must mention here that I actually graduated from schools with American names: Nellie E. Brown Elementary School and Jackson High School, later on renamed as Olongapo City National High School.
May isang pangyayari na hanggang ngayon ay buhay sa isipan ko. Ang hindi ko lang matandaan ay kung ang naalala ko ay bagyo noong 1972 o 1974, basta nasa Mabayuan pa kami noon nakatira. Pati kung paano natumba yung puno ng kaimito sa tapat ng bahay na tinitirahan namin ay tandang-tanda ko pa hanggang ngayon. Baha noon ang halos kabuuan ng Olongapo City.
Isa sa mga natatandaan ko noon ay ang pagpila sa park sa Mabayuan, kung saan, nagdatingan ang mga relief goods mula sa Subic Naval Base, mula sa loob ng base kung patungkulan namin. Dahil bata ako, ilang beses akong kinakarga para pumila at kumuha ng blanket at mga canned goods mula sa loob ng base, na may kasamang tubig pa.
Siguro nakilala na ako ng mga namimigay ng relief goods dahil ilang mga kapitbahay din ang nanghiram sa akin, para dalhin sa pila, props kung baga. May libre kasing tsokolate kapag may batang kasama.
(Kaya nga iniisip ko, 1972 yun, kasi karga-karga ako).
Sa public school ako nag elementary at high school pero, inglisera ang peg ko noong bata pa ako, kasi nga dahil sa panghihikayat na rin ng kinalakihan kong alkalde na si Richard Gordon na ngayo’y senador.
Naging tambay din ako ng mga pam-publikong mga aklatan na karamihan ng mga libro ay mula sa…alam ninyo na Estados Unidos. Bata pa lang ay nakikinig na ako sa pagbabalita sa AM radio, kaya lahat ng mga tunayna haligi ng AM station sa Pilipinas ay kilala ko, at laking tuwa nang maabutan at maka-trabaho ko pa ang ilan sa kanila. Pero kasabay nito, lumaki rin ako sa FEN (Far Eastern Network) at sa Voice of America.
Ilang taon bago nawala ang base militar ng Amerika sa bansa, taong 1986, may isang malaking aktibidad ang Student Council sa amin. Pro at Anti-US bases ang pagpipilian. Anim na mag-aaral ang napiling magsalita, at dalawa sa anim ang magiging main speaker o leader ng debating team. Isa ako sa dalawa.
Hindi namin kusang pinili ang posisyong aming ipagtatanggol sa debate. Bunutan ang naging proseso. Ang nabunot ko ay ang ipagtanggol ang anti-US bases stance. Wala noong internet, walang google na tutulong sa amin sa pagbabasa at pagsasaliksik. Pero nagawa naming magsaliksik sa paraang Amerikano rin ang nagturo sa amin..sa atin: magbasa, magbasa, magbasa.
Noong ako ay tumindig sa entablado sa gulang na 16 na taong gulang, eto ang bahagi ng opening statement ko, “The United States of America will forever be our ally, our true friend. A true friend will be happy to see us standing on our own feet, walking towards a new track and a new direction. America taught us independence. It is time to test if we learn from them. It’s time to craft an independent economic, social, political, and foreign policy. America will not mind, because this is what a true democratic country should strive for: genuine independence, even from a close ally like the United States’.
Nanalo ang pangkat ko sa debateng iyon at ako ang hinirang na best speaker.
Paksa lang ng debate noong ako ay labinganim na taong gulang. Ngayon, nagkaka-porma na. Naniniwala akong, sa kalaunan, hindi ito kawalan sa magkabilanh panig. Naniniwala ako noon, at umaasam ako ngayon na ikalulugod din ng Amerika na makitang titindigan ng isang lider ng bansa ang karapatan, kalayaan at katungkulan para sa pagsusulong ng isang independent foreign policy. Walang talo sa direksiyong ito.
Hindi lang inasahang darating. Hindi lang inasahan na may isang Rodrigo Duterte na uupo sa Malakanyang at kikilos para isakatuparan ito. (wakas)