Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nilinaw niya sa kaniyang pagbisita sa China, ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang Scarborough o Panatag Shoal.
Sa kaniyang mga talumpati sa Cagayan, sinabi ni Pangulong Duterte na nabanggit niya sa kaniyang state visit ang tungkol sa karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Ngunit, inaangkin pa rin aniya ng China ang Panatag dahil sa kanila na ito “historically,” at na wala silang balak sukuan ito, pero sinagot niya rin na pag-aari ng Pilipinas ang nasabing teritoryo.
Gayunman, ayon sa pangulo, hindi niya muna igigiit ang pag-angkin ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Ani pangulo, hindi siya makikipag-away dahil wala siyang nakikitang magandang solusyon kung idadaan ito sa pakikipagpatayan.
Sinabi naman aniya sa kaniya ng mga opisyal ng China na maari namang idaan ang usaping ito sa mapayapang paraan na walang kailangang dumanak na dugo, ngunit na panahon ang kakailanganin.
Ibinahagi pa ng pangulo na pumayag na rin ang China na hayaan ang mga Pilipinong mangingisda na pumasok sa pinagaagawang teritoryo.
Sa pagkakaintindi niya rin aniya, sinabihan na ni Chinese President Xi Jinping ang mga mangingisdang Chinese na umalis na sa nasabing lugar.
Iminungkahi rin niya na alang-alang sa mapayapang paraan ng pag-harap sa isyu, pareho dapat ang China at ang Pilipinas na hindi puwedeng pumasok at mangisda sa inner lagoon ng Panatag.
Ito kasi ang lugar kung saan hitik ang yamang dagat na makukuha at ito rin ang lugar na pansamantalang pinamamalagian ng mga mangingisda tuwing hindi maganda ang lagay ng panahon.
Matatandaang bago pa man umalis ng bansa si Duterte patungo sa kaniyang state visit, sinabi na niyang wala siyang balak ungkatin ang usapin sa teritoryo bilang respeto dahil isa lamang siyang bisita.