Papel ng US sa Mamasapano operation, nais ungkatin ni Duterte-Andanar

 

Nais siyasatin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagdaang imbestigasyon kaugnay sa Mamasapano incident na naganap noong 2015, kung saan 44 Special Action Force (SAF) troopers ang nasawi.

Bukod dito, nais rin ungkatin ni Duterte ang naganap na pambobomba sa Davao City noong taong 2002.

Ito ay dahil nais malaman ng pangulo ang pagkakasangkot o pangingialam ng Estados Unidos sa mga nasabing kaso.

Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, marami pang naiwang mga katanungan makaraan ang mga naunang isinagawang imbestigasyon ng Philippine National Police Board of Inquiry (PNP-BOI) ukol sa Mamasapano incident.

Nais aniya sana ng pangulo na muling buhayin ang imbestigasyon upang malaman kung sino ba ang mga nakialam, sino ang mga nagbigay ng utos at sino ang mga nasasangkot.

Gayunman, wala naman aniyang ibinabang direktang utos ang pangulo para muling buksan ang imbestigasyon at kung anong ahensya ng pamahalaan ang dapat humawak dito.

Nagtataka rin si Pangulong Duterte kung saan napunta ang $5 milyong pabuya ng Estados Unidos sa pagkakahuli sa teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan na target ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.

Kaugnay naman sa kaso ng pagpapasabog sa Davao noong 2002, nais rin aniya ni Duterte na muli itong maimbestigahan dahil Amerikano ang suspek, at inilabas pa ito sa ospital nang walang pahintulot mula sa kaniya.

Read more...