Hindi muna igigiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-angkin ng Pilipinas sa pinagaagawang teritoryo sa South China Sea.
Ito’y sa kabila pa ng pagkapanalo ng bansa sa arbitral tribunal kamakailan laban sa China.
Sa kaniyang talumpati sa Isabela, sinabi ni Pangulong Duterte na nabanggit niya sa kaniyang state visit ang tungkol sa karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Mababait naman aniya ang mga nakasalamuha niya sa kaniyang pagpunta sa China.
Gayunman, sa pag-uusap nila ng mga opisyal sa China, iginiit pa rin ng mga ito na sa kanila na ang lugar na iyon “historically” at na wala silang balak sukuan ito.
Ani pangulo, hindi siya makikipag-away dahil wala siyang nakikitang magandang solusyon kung idadaan ito sa pakikipagpatayan.
Sinabi naman aniya sa kaniya na maari namang idaan ang usaping ito sa mapayapang paraan na walang kailangang dumanak na dugo, ngunit na panahon ang kakailanganin.
Matatandaang bago pa man umalis ng bansa si Duterte patungo sa kaniyang state visit, sinabi na niyang wala siyang balak ungkatin ang usapin sa teritoryo bilang respeto dahil isa lamang siyang bisita.