Plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ang “Masagana 99”, “Biyayang Dagat” at “Botika ng Bayan”, na pawang programa ng mga nagdaang administrasyon.
Sa kanyang talumpati sa Tuguegarao City, sinabi ni Pangulong Duterte na kokopyahin umano niya ang Masagana 99 project at Biyayang Dagat ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ani Duterte, kung naipatupad lamang daw ng maayos ang dalawang programa, maaaring maganda ang estado ngayon ng Pilipinas.
Binanggit pa nito ang yumaong dating Pangulong Marcos na aniya’y isa sa mga’bright’ na leaders.
Sa kanya namang talumpati sa Isabela, sinabi ni Pangulong Duterte ang pangangailangan na i-revive ang Botika ng Bayan, isang social program noong panahong Presidente si ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
1973 nang simulan ang Masagana 99, na layong maging sapat ang palay o bigas sa bansa at tumaas ang kita ng mga magsasaka.
Nakapaloob pa sa programa ang pinaunlad na teknolohiya, pautang, pagsuporta sa presyo ng bigas at paggamit ng murang pataba.
Layunin ng sampung taong programang ito na maging sapat ang palay o bigas sa bansa at tumaas ang kita ng mga magsasaka.
Sa Botika ng Bayan naman, na inilunsad noong December 2004, mag-iimport ang bansa ng mga gamot mula sa India at Pakistan na ibebenta naman sa publiko lalo na sa mga mahihirap sa murang halaga.