Mauuna sa mga makikinabang sa mga pondo mula sa mga kasunduang nabuo sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China ay ang sektor ng agrikultura.
Ayon kay Pangulong Duterte, magiging prayoridad ng kaniyang administrasyon ang agrikultura, edukasyon at kalusugan.
Ibig sabihin, malaking bahagi ng naiuwi niyang tinatayang $24 billion na halaga ng mga kasunduan ang mapupunta sa tatlong nasabing sektor.
Ibinahagi rin ng pangulo sa kaniyang talumpati sa Isabela na inatasan na niya ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na idirekta ang kanilang kita sa pagtulong sa gamutan ng mga may sakit sa bansa.
Nilinaw naman ng pangulo na bagaman nagkaroon ng mga pagbabago sa kaniyang mga prayoridad, nananatili pa rin ang maigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Hindi aniya titigil ang ganitong sitwasyon hangga’t hindi napapatay ang kahuli-hulihang drug lord sa bansa.