Marahas na dispersal sa rally sa US Embassy, kinondena ng DILG

Mike SuenoMariing kinondena ni Interior Secretary Ismael Sueno ang paggamit ng mga pulis ng karahasan sa dispersal ng mga militanteng grupo sa rally na naganap sa harap ng US Embassy noong Miyerkules.

Dahil dito, nanawagan si Sueno ng masinsin at matapat na imbestigasyon mula sa Philippine National Police (PNP) upang malaman ang lahat ng mga nangyari sa rally.

Aniya, kinokondena nila ang anumang uri ng paglabag sa kaligtasan ng publiko at karapatan ng mga nagpo-protesta.

Dagdag pa ni Sueno sa kaniyang pahayag, oras na hindi maipatupad ang maximum tolerance at nagkaroon ng banta sa buhay ninuman, ito ay pananagutan na ng pulisya.

Isinalarawan pa ni Sueno ang mga napanood niyang videos kaugnay sa insidente bilang “disturbing,” lalo na ang bahaging sinagasaan ng sasakyan ng pulis na minamaneho ni PO3 Franklin Kho ang mga rallyista.

Pinaalalahanan rin ng kalihim ang pulisya na ang kanilang tungkulin nila sa publiko ay “to serve and protect,” kahit pa malagay sa alanganin ang kanilang sariling buhay.

Read more...