Walang pinaligtas ang hagupit ng Super Typhoon Lawin sa lalawigan ng Cagayan.
Ang bagyo ay tumama sa kalupaan ng Peñablanca at kasamang sinalanta ang iba pang kalapit na bayan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na mayaman man o mahirap sa kanilang lalawigan ay naapektuhan ng labis ng bagyo.
Hindi bababa sa sampung bayan sa southern Cagayan ang labis na napinsala, kabilang ang Peñablanca, Tuguegarao City, Iguig, Amulung, bahagi ng Alcala, Baggao, Enrile, Sto. Niño, Piat, Rizal at Tuao.
Ayon kay Mamba, Biyernes ng umaga, bigo pa rin silang makapag-establish ng komunikasyon at hindi pa rin nila nararating ang Sto. Niño, Piat, Rizal at Tuao.
Bagsak kasi ang linya ng komunikasyon sa apat na nabanggit na bayan at ang mga lansangan naman patungo doon ay barado ng debris o di kaya ay baha.
Ani Mamba, maging ang mga truck o heavy equipment ay hindi mapasok ang apat na bayan, kaya sinubukan nilang magpapunta roon ng mga naka-motorsiklo ngayong umaga.
Ito ang unang pagkakataon ayon kay Mamba na nakaranas sila sa lalawigan ng ganito katinding pinsala ng bagyo.
“In my 58 years of existence, this is the first time nan a-experience namin ito sa Cagayan. Walang inispare dito, mayaman, mahirap, apektado lahat,” sinabi ni Mamba.
Inaasahan ni Mamba na makakakuha na ng update sa apat na isolated na bayan mula sa mga naka-motorsiklong idineploy.
Napakahirap din ayon kay Mamba na pwersahin ang mga tauhan ng provincial government na papasukin sa trabaho dahil maging sila at kanilang pamilya ay naapektuhan ng labis.
Sa inisyal na pagtaya ni Mamba, aabot sa 60,000 na ektarya ng pananim na palay ang winasak ng bagyo.
Numero unong problema ang muling pagtatayo ng mga nawasak na bahay ng mga residente.
Ani Mamba, lahat ng klase ng tulong ay kinakailangan nila mula sa national government at mga pribadong grupo para matulungang makabangon ang mga naapektuhang pamilya.