Target ng Pilipinas na makapag-sumite na ng Climate Change Commitment kung hindi man sa katapusan ng Agosto ay sa buwan ng Setyembre bilang pakikiisa sa 21st United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) Conference of Parties (COP) na gaganapin sa Paris sa Disyembre.
Ayon sa Vice Chairperson ng Climate Change Committee na si Secretary Lucille Sering, nasa huling stages na ng consultation ang Intended Nationally Determined Contributions (INDCs) na isa sa mga mahahalagang dokumento na ipapasa sa nasabing pagtitipon ng iba’t ibang mga bansa.
Ang detalye ng INDCs ng Pilipinas ay nakatuon sa pagbabawas ng carbon emission, kasabay ng pangunahing layunin nitong maging taga-ambag ang Pilipinas sa aspetong ito.
Kabilang sa mga ahensyang kasama sa konsultasyon ay ang Department of Energy, Department of Transportation and Communications, Department of Environment and Natural Resources at Department of Agriculture.
Bagaman hindi pa pwedeng isapubliko sa ngayon ang nilalaman ng naturang dokumento, sinigurado ni Sering na inihahanda na ang mga kailangang impormasyon at sa oras na matapos na ito, ilalahad na nila ang kabuuan ng INDCs at magiging bukas aniya sila sa mga pag-punang makakatulong sa pagpapabuti nito.
May 22 bansa na ang nagpasa ng kanilang INDCs.
Kabillang dito ang apat na bansa mula sa Asya, ang China, Japan, South Korea and Singapore./Kathleen Betina Aenlle