Aabot sa isang libong bigating mga negosyante mula sa Pilipinas at China ang inaasahang pupunta sa pinakahihintay na business forum kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Beijing na gaganapin bukas.
Sa mensaheng ipinadala ni Trade Sec. Ramon Lopez sa Philippine Daily Inquirer, sinabi niyang nasa 450 na negosysnte mula sa Pilipinas ang lilipad patungong mainland para makadalo sa nasabing forum.
Dadaluhan rin aniya ito ng malaking delegasyon mula sa mga negosyanteng Chinese na nasa 400 na rin ang bilang, at ayon sa Philippine embassy, maari pa itong lumobo hanggang 600.
Ani Lopez, nakikitaan niya ang mga negosyante mula sa magkabilang bansa ng kasabikan sa muling pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at China.
Aniya pa, natural business partner ng Pilipinas ang China base sa kasaysayan.
Kabilang sa mga business tycoons ng Pilipinas na dadalo sa forum ay sina Hans Sy (SM group), Lance Gokongwei (JG Summit), Lucio Tan (LT Group), Carlos Chan (Liwayway Group), Ramon Ang (San Miguel group), Andrew Tan (Megaworld/Alliance Global Group), Fernando Zobel de Ayala (Ayala group), Enrique Razon Jr. (ICTSI), Manuel Pangilinan (First Pacific group), Tony Tan Caktiong (Jollibee Foods Corp.), Edgar Sia II (DoubleDragon Properties) at Alfredo Yao (Zest-O group).
Gaganapin ang Philippine-China Trade and Investment Forum bukas sa Great Hall of the People, kung saan gaganapin rin ang bilateral meetings nina Duterte at Chinese Premier Li Keqiang, kasama si National People’s Congress chair Zhang Deijiang.