Ibinigay na ng Palasyo ng Malacañang sa kamay ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang paglalatag ng planong war games ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang China at Russia.
Ayon kay Communications Assistant Secretary Marie Banaag, kung interesado ang Pangulo at sakaling maisulong ang diplomatikong usapin ukol dito, DFA at DND na ang tamang kagawaran na dapat mag-asikaso nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Duterte na seryoso siya sa pagsasagawa ng military drills kasama ang China at Russia.
Aniya pa, nabigyan na ng sapat na panahon ang mga Amerikano para makipaglaro sa mga sundalong Pilipino.
Inulit rin niya ang nauna na niyang sinabi na ang huling military drills ng mga sundalong Pilipino kasama ang mga tropang Amerikano kamakailan ay ang magiging huli na sa loob ng kaniyang termino.