Sa inaprubahang ulat ng House committee on justice, lumalabas na si Sen. Leila de Lima ang dapat managot sa paglaganap ng bentahan ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon sa pinuno ng komite na si Oriental Mindoro Rep. Rey Umali, ibinunyag ng karamihan sa mga humarap na testigo ang pagkakasangkot ng senadora sa kalakalan ng iligal na droga sa piitan.
Bukod kay De Lima, nakasaad rin sa report na kabilang sa mga sangkot ay sina Ronnie Dayan na dating driver ng senadora.
Gayunman, hindi naman napatunayan ng komite kung ang mga ginawa ni Dayan na may koneksyon sa bentahan ng iligal na droga sa Bilibid ay ayon lang sa utos ni De Lima o kung may sarili itong pakay.
Nilinaw naman ng komite na wala na sa kanilang kamay ang paghahanap ng probable cause upang makasuhan si De Lima, dahil responsibilidad na ito ng Department of Justice (DOJ).
Samantala, umaasa si De Lima na hindi bayad utang para sa pag-testigo laban sa kaniya sakaling mabigyan ng clemency ang mga preso na humarap sa House hearing.
Ngunit aniya kung mangyayari man ito, sinabi ni De Lima na hindi na niya ito ikagugulat. Sa kabilang banda, wala naman nakikita si de lima na kadududa sa aplikasyon ng ilan sa mga preso na mabigyan ng clemency.
Dagdag pa ng senadora hindi na rin kagulatgulat kung ang ibinigay na immunity sa mga preso ay downpayment lang sa pagtestigo ng mga ito para siya ay maiugnay sa illegal drugs trade sa loob ng bilibid.
Kinumpirma nito na ang ilan sa mga aplikasyon ay naisumite noon pang nakaraang administrasyon base aniya ito sa impormasyon mula sa Board of Pardons and Parole.