‘Gaps’, natukoy sa nagdaang Shake Drill

shakedrill1Malaki ang naging turn-out ng isinagawang  Metro Manila Shake Drill noong july 30 dahil marami ang nakiisa sa pagsasanay para sa inaasahang malakas na lindol.

Pero aminado ang tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na si Romina Marasigan na may mga gap pa rin sa ginawang Shake Drill sa Metro Manila.

Ayon kay Marasigan, “Nakitaan natin na may mga gap pa na kailangang repasuhin at patuloy na pagpraktisan pa sa darating na mga panahon katulad sa komunikasyon, kapasidad ng mga equipment, at mekanismo na kailangang itayo.

Ang maganda sa pagsasanay ay natutukoy ang mga gap at may panahon pa para tugunan ang mga ito,” pahayag ni Marasigan.

Dahil isa sa mga inaasahan sa malakas na lindol ang pagbagsak ng komunikasyon ay sinabi ni Marasigan na pwedeng gumamit ng satellite communication  pero dahil may kamahalan ang presyo nito ay naghahanap ang gobyerno ng technology innovation na magiging alternatibo sa satphone na paraan ng komunikasyon.

Sinabi rin ng opisyal na isa pang magandang idinulot ng ginawang Shake Drill ay nadiskubre na mayroong mga gusali na palyado na ang kanilang alarm system at dapat nang palitan bilang paghahanda sa sinasabing ‘The Big One’.

Ngunit sinabi rin ng NDRRMC official na kailangan pa ring i-angat ang kamalayan sa disaster preparedness.

Kapag hindi anya nagsagawa ng mga pagsasanay o quake drill ay baka makaligtaan ang dapat gawin kapag may lindol na lalong magdudulot ng panganib at malalagay sa peligro ang mga tao. “Papunta pa lamang tayo sa culture of disaster preparedness. Hindi naman instantly o overnight ay makakamit na natin ang kulturang ito,” dagdag pa ni Marasigan. / Len Montano

 

Read more...