NICA, tinawag na ‘incompetent’ sa Senado dahil sa isinumiteng fake intel

 

Inquirer file photo

Binanatan ng Senate blue ribbon committee ang National Intelligence Coordination Agency (NICA) sa kanilang pagdinig kahapon dahil sa umano’y pagiging incompetent ng ahensya.

Hindi kasi sumipot sa pagdinig kahapon si NICA Director Rodrolfo Dan Arsaga Jr., na ikinagalit ni Sen. Richard Gordon na chairman rin ng Senate blue ribbon committee.

Ayon kay Gordon, pababalikin nila si Arsaga upang pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat i-cite in contempt matapos aniyang magpadala ang ahensya ng “incompetent” na kinatawan na hindi makasagot sa kanilang mga tanong.

Bukod dito, binanatan rin ni Gordon ang pagsusumite ng NICA sa komite ng isang “confidential” na dokumentong magbibigay impormasyon sana sa sinasabi ng NICA na missile silo ng China sa Zambales.

Ito ay dahil napatunayan ng komite na mula pala sa isang fake o satirical website ang ibinigay na source ng NICA para sa nasabing dokumento.

Ani Gordon, hinanap nila ang ibinigay na website kung saan makikita ang article na ginamit ng NICA sa dokumentong isinumite sa Senado, at nalaman nilang ito ay “partly for satirical and entertainment purposes” lamang.

Dagdag pa ng senador, kung ganitong klase ng intelligence ang gamit ng Pilipinas ay tiyak na mapapahamak ang bansa.

Giit naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, dapat ring sibakin sa trabaho ang pinuno ng NICA dahil sa kapalpakang ito.

Ang nasabing website ay ang “achangephilippines.blogspot.com” na may inilabas na article na “Breaking Story: Hidden Chinese Military Base with Alleged Missile Silos Found in Zambales” na isinulat ng isang “Intel Guru.”

Read more...