Chinese firms, magtatayo ng bagong kabisera ng Egypt

 

AP Photo/Hassan Ammar

Malapit nang maisakatuparan ang pagkakaroon ng bagong capital o kabisera ng bansang Egypt, matapos i-anunsyo ng Chinese developers ang pagbibigay nila ng pondo para sa proyektong ito.

Pumayag na kasi ang China Fortune Land Development Company (CFLD) na magbigay ng $20 billion para sa pagbuo ng isang lungsod na wala pang pangalan sa ngayon.

Ito’y matapos ang pakikipagpulong ng Egyptian president na si Abdel Fattah El Sisi sa mga ehekutibo ng nasabing kumpanya.

Bukod sa $20 billion na ipinangako ng CFLD, isa pang Chinese state-owned company ang sunod na nangakong magbibigay ng $15 billion para sa parehong proyekto.

Dahil dito, malapit nang mabuo ang $45 billion pondong kinakailangan para sa Phase 1.

Nauna nang inanunsyo ang planong pagkakaroon ng bagong capital ng Egypt na papalit sa Cairo noong Marso 2015.

Ito ang nakitang solusyon ng kanilang pamahalaan para sa lumalaki nang populasyon sa Cairo na nagsasanhi na rin ng polusyon.

Kabilang sa mga ipinanukalang itayo sa 700 square kilometer na lungsod na itatayo sa disyerto ng East Cairo, ay ang pabahay para sa limang milyong residente, mahigit 1,000 mosque, isang malaking conference center at ang world’s largest park.

Ito na rin ang magiging sentro ng kanilang pamahalaan dahil sa unang phase ng proyekto, uunahin ang pagtatayo ng gusali ng mga government ministries kasabay ng mga residential blocks.

Read more...