WATCH: Bahagi ng kalsada sa Gabaldon, Nueva Ecija, barado ng gumuhong putik at bato dahil sa pananalasa ng bagyong Karen

Gabaldon Nueva Ecija | Kuha ni Ricky Brozas
Kuha ni Ricky Brozas

Naging pahirapan ang pagdaan sa bahagi na ito ng national road sa bayan ng Gabaldon sa Nueva Ecija makaraang humambalang sa kalye ang tone-toneladang mga putik at bato na nagmula sa kabundukan ng Sitio Baterya.

Wala namang nadamay sa pagguho na karaniwan nang nangyayari sa lugar tuwing may tumatamang bagyo.

Paliwanag ni Mayor Rolando Bue, kaagad kasi silang nagpatupad ng preventive evacuation dahil sa bagyong Karen.

Inaasahan na kasi nila na mangyayari ang land at rockslide sa tuwing may malalakas at tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan.

Ayon sa alkalde aabot sa 102 na pamilya ang kanilang inilikas na ngayon ay pansamantalang nanununuluyan sa evacuation center sa Bagting Elementary School.

Pero sa halip na mamrublema ay may naisip na paraan ang alkalde para pagkakitaan ng kanyang constituents ang mga putik at bato na nagmula sa kabundukan.

Paliwanag niya, may mga mineral components daw kasi ang mga ito na maaring maging sangkap sa paggawa ng toothpaste, agricultural at animal feeds.

Samantala, naging pagkakataon din ng mga residente ang bagyo para kumita ng pera.

Kinokolekta kasi nila ang mga troso na inanod sa ilog mula sa bundok para gawing uling at ibenta bilang pangkabubayan.

Ngayong araw, Lunes, October 17, walang pasok ang mga pampubliko at pribadong paaralan dito sa lalawigan ng Nueva Ecija pati na ng mga nagtatrabaho sa gobyerno matapos magdeklara ng suspensyon si Governor Cherry Umali dahil pa rin sa epekto ng bagyo.

 

 

 

Read more...