Nagdaos ang House Justice Committee ng executive session para pag-usapan at buuin ang committee report sa ginawang apat na imbestigasyon sa Bilibid drug trade.
Lunes ng alas 10:00 ng umaga, nagbukas ang hearing pero wala ni-isa sa miyembro ng justice panel ang may hawak ng draft ng report.
Dahil dito, isinara sa publiko at sa media ang hearing para pag-usapan muna ng committee members ang draft report at magkaroon ng kaniya-kaniyang input bago isapinal ang report.
Sa kabila nito, sinabi ni Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na maaaring maaprubahan ng lupon ang report sa araw na ito.
Dagdag pa ni Umali, inaasahan na maaaprubauan din sa plenaryo ang committee report sa loob ng linggong ito bago ang kanilang unang recess.
Subalit ipinaalala ni Umali sa mga committee member na bawal munang ilabas ang laman ng draft alinsunod sa kanilang rules.
Sa naunang pahayag ni Umali, nakatuon lamang ang kanilang committee report sa rekumendasyon ng legislative measures para tapusin ang problema sa drug trade at katiwalian sa Bilibid at iba pang kulungan.
Batay sa direktiba ni Speaker Pantaleon Alvarez, hindi magrerekumenda ang Justice Committee ng prosecution ni Senadora Leila de Lima at iba pang sinasabing nasa likod ng drug trade sa NBP.