Chiz, hadlang sa Mar-Grace tandem

Inquirer file photos
Inquirer file photos

Isiniwalat na ng isang opisyal ng Liberal Party na gusto sana talaga ni Pangulong Benigno Aquino III na si Senator Grace Poe ang running mate ni Department of Interior and Local (DILG) Secretary Mar Roxas sa 2016 pero hindi ito natuloy dahil pumasok sa eksena si Senator Chiz Escudero.

Ayon kay LP Treasurer at Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali Jr., ang plano dapat ay mag-tandem sina Roxas at Poe pagkatapos ay bibigyan ang senadora ng pwesto sa gabinete at ito ang ieendorso ng partido sa 2022.

Ang nais aniya kasi ng Pangulo ay maipagpatuloy ang daang matuwid hanggang labing-walong taon kaya si Roxas ang nais niyang sumunod sa kaniya sa 2016 at si Poe naman sa 2022. “So after him, Mar sana at kinukuha si Grace as vice president tapos after that bibigyan ng magagandang portfolio para come 2022, si Grace ang mag-presidente,” pahayag ni Umali.

Pero ang inaalala aniya ni Poe ay si Escudero. Ayon kay Umali, mistulang ‘committed’ si Poe sa kaibigang senador kaya nagkaroon ng problema.

Mahirap aniyang ayusin ang isyu kay Escudero dahil noong 2010 elections ay si PNoy at Vice Pres. Jejomar Binay ang inindorso nitong tandem.

Si Roxas ang running mate noon ni Aquino habang si Binay ang bise ni dating Pangulong Joseph Estrada. “So ‘yun ang problema. So gusto sana pag-ayusin si Chiz at Mar kaya lang parang mahirap kasi alam naman natin ang nangyari noong eleksyon, Noy-Bi si Chiz,” dagdag ng gobernador.

Sinasabing hindi tinanggap ni Poe ang imbitasyon ng pangulo na mag-tandem sila ni Roxas dahil posible itong tumakbong pangulo habang hindi naman puwedeng iendorso ng LP si Escudero sa vice presidential post dahil hindi ito miyembro ng partido./ Len Montaño

Read more...