“Devil” ang sanhi ng pagsabog sa tindahan ng paputok sa Bocaue

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Inihayag ng isang tindera na nakaligtas mula sa pagsabog ng mga paputok sa Bocaue, Bulacan noong Miyerkules na ‘devil’ ang naging sanhi ng naturang insidente.

Ang ‘devil’ ay isang kemikal na ginagamit para gumawa ng paputok.

Sinabi ng tindera na siya ay nakakita ng sunog sa cabinet na pinaglagyan ng ‘devil.’

Agad umano niyang inalerto ang kaniyang amo nang makita ito.

Sinubukan aniya nilang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher, ngunit hindi ito kinaya kaya tumakbo na lang ang dalawa palabas.

Bigla na lamang silang nakarinig ng pagsabog habang tumatakas, at sa kasamaang palad, hindi na nakalabas ng tindahan ang kanyang amo.

Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

PNP-PIO PHOTO

Kaninang umaga, nagsagawa ng inspeksyon sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog at sunog ang Firearms and Explosives Office ng PNP.

Ayon kay PNP-FEO head, Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, target nilang tapusin ang imbestigasyon sa insidente sa loob ng isang linggo.

Sinabi naman ni Binag sa Radyo Inquirer na noong buwan ng Mayo nang isailalim sa taunhang inspeksyon ang tindahang sumabog, nakapasa naman ito at nakatugon sa mga requirements.

Kabilang sa aalamin ng PNP-FEO kung anong mga standards ang nilabag ng nasabing tindahan na nagresulta sa malakas na pagsabog at sunog na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 24 na iba pa.

 

Read more...