Bagyong Karen lumakas pa; public storm warning signal nakataas sa 15 lugar sa bansa

Lalo pang lumakas ang bagyong Karen at nananalasa na ngayon sa mga lalawigan sa Bicol Region.

Huling namataan ang bagyo sa 260 kilometers East ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 105 kilometers bawat oras.

Ayon kay PAGASA forecaster Benison Estareja, sa ngayon nananatiling tropical storm ang kategorya ng bagyong Karen pero sa loob ng 24 na oras ay maaring maabot nito ang severe tropical storm category.

Bumagal din ang galaw ng bagyo at ngayon ay kumikilos na lamang sa bilis na 9 kilometers bawat oras sa direksyong West Northwest.

Itinaas na ng PAGASA ang public storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Catanduanes at Camarines Sur.

Habang signal number 1 naman ang nakataas Camarines Norte, Albay, Sorsogon, Quezon kabilang ang Poilio Island, Aurora, Isabela, Quirino, Laguna, Rizal, Marinduque, Burias Island at Northern Samar

Ngayong hapon, posibleng isailalim na rin sa storm warning signal number 1 ang mga lalawigan ng bulacan, Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.

Ang bagyong Karen ang ikatlong bagyong pumasok sa bansa ngayong buwan ng Oktubre at mayroon itong international name na “Sarika” na ang ibig sabihin ay “singing bird”.

Sa Lunes ng umaga o hapon inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.

 

 

Read more...