Fireproof boxes at safety gloves, ipadadala ng Samsung sa mga customer para sa ligtas na pagsasauli ng Galaxy Note 7

XDA-Developers Photo
XDA-Developers Photo

Upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang customers, padadalhan ng Samsung ng thermally-insulated return kits ang mga magsasauli ng Galaxy Note 7.

Sa abiso ng Samsung, kinakailangan lamang makipag-ugnayan sa kanila para sabihin ang kagustuhang maisauli ang unit.

Laman ng kit ang static shielding bag na paglalagyan ng cellphone na ipapasok sa isang maliit na kahon.

Ang labas ng kahon ay nilagyan ng ceramic fiber paper na kayang i-contain ang matinding init.

May kasama ring safety gloves ang package at assembly instructions.

Sa labas ng package, nakasaad ang babala na ang laman ng kahon ay mayroong lithium ion battery na subject sa recall. Nakasaad din ang mga babala na “damaged” at “defective” ang baterya at mahigpit itong ipinagbabawal na isakay sa eroplano.

Sa statement, sinabi ng Samsung na pangunahing prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang customers kasabay ng pag-amin na sa kabiguan nilang maabot at “standards of excellence” bunsod ng naging isyu re Note 7.

Humingi rin ng paumanhin ang Samsung sa publiko.

Babala ng Samsung sa lahat ng Note 7 users, huwag na itong gamitin at huwag nang i-charge.

Payo ng Samsung, makipag-ugnayan sa kumpanyang pinagbilihan ng unit para sa replacement ng ibang smartphone.

Kahapon nag-anunsyo na rin ang Globe at PLDT ng recall sa mga naibenta nilang Note 7.

Ang mga magsasauli ay may pagkakataon na pumili ng nais nilang unit na may parehong halaga.

 

 

 

Read more...