‘Welcome’ para kay United Nations (UN) special rapporteur Agnes Callamard ang imbitasyon ng pamahalaan ng Pilipinas na imbestigahan ang umano’y lumalaganap na extrajudicial killings dito sa bansa.
Inihayag ni Callamard ang pagtanggap sa imbitasyon sa pamamagitan ng post sa kaniyang Twitter account.
“Welcome Media report of invitation to visit #Philippines to investigate #EJE (extrajudicial execution),” ani Callamard sa kaniyang post.
Gayunman, hindi niya pa natatanggap ang liham na ipinadala ng gobyerno.
Ayon kay Callamard, hinihintay niya na ang liham at ang kumpirmasyon ng mga official channels.
Inanunsyo ni Presidential spokesman kahapon na nagpadala na si Executive Secretary Salvador Medialdea ng pormal na imbitasyon kay Callamard upang maimbestigahan nito ang sinasabing mga extrajudicial killings na may kinalaman sa iligal na droga.
Nakasaad rin sa liham na kung sinumang mga opisyal ng UN ang pupunta sa Pilipinas para mag-imbestiga ay dapat may kakayanan ring masagot ang mga ibabatong tanong sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng panunumpa.