Mga kaalyadong bansa, dapat mag-donate ng rehab center sa halip na bumatikos-Duterte

 

Inquirer file photo

Kung kaibigan ka, patayuan mo rin kami ng rehab center.

Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bansang  kaalyado ng Pilipinas at mistulang patama sa Amerika at United Nations na bumabatikos sa kanyang pinaigting na kampanya kontra droga.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa ika-115 taong anibersaryo ng Philippine Coast Guard, na dapat ay suportahan ng mga kaalyadong bansa ang kanyang hangarin na sugpuin ang droga sa Pilipinas sa halip na batikusin ito.

Kasama sa mga dumalo sa okasyon ang ilang opisyal ng US Coast Guard at mga Japanese delegates.

Ipinagmalaki rin ng pangulo ang itinatayong mega drug rehabilitation center sa Nueva Ecija na matatapos na aniya sa October 16.

May kakayanan aniya ang naturang rehab center na mag-accommodate ng hanggang 1,600 na drug dependents para sumalang sa rehabilitasyon.

Ayon sa Department of Health, nagsimula ang konstruksyon ng drug rehab center sa Fort Magsaysay noong July 2016.

Ibinigay ang naturang pasilidad ng pilantropo at negosyanteng Chinese na si Huang Rulun.

Si Rulun ay may-ari ng nasa 20 five-star hotel at sampung shopping mall sa China./Jay Dones

Excerpt: Itinayo ang mega rehab facility sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Read more...