Aabot sa 400 na motorista ang pinara ng mga tagapangasiwa ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila nang simulan kahapon ang tatlong araw na dry run ng “no window hours” policy scheme.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), bagaman hindi sila binigyan ng traffic violation tickets, pinaalalahanan pa rin nila ang mga napara nilang motorista kaugnay sa bagong patakaran.
Pero pagdating sa Lunes, October 17, doon na magsisimula ang mahigpit na pagpapatupad ng patakarang ito at ang mga lalabag ay mabibigyan ng ticket na may kasamang P300 na multa.
Kabilang sa mga kalsada kung saan paiiralin ang bagong traffic scheme ay ang buong kahabaan ng EDSA mula Monumento hanggang Roxas Boulevard at pabalik, C5 Road mula Commonwealth patungong SLEX at pabalik, Roxas Boulevard, Alabang-Zapote Road at sa mga lungsod ng Mandaluyong, Makati at Las Piñas.