Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang P10 milyong halaga ng mga pekeng produkto tulad ng mga sigarilyo, at iba pa, sa isinagawang raid sa dalawang warehouse sa Cagayan de Oro City kahapon.
Ayon kay Sonny Sarmiento na technical assistant sa opisina ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon, isinagawa ang raid nang makarating sa kanila ang impormasyon na may mga smuggled at pekeng produkto ang lumalaganap sa Northern Mindanao, kabilang ang CDO.
Inaprubahan aniya ni Faeldon ang pagsasagawa ng raid sa mga warehouse na pag-aari ng isang Mr. Chan, kung saan sumama na rin ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Napag-alaman ng Customs na peke ang mga produkto sa tulong ng mga bihasa na tumulong sa ahensya, gamit ang partikular set of parameters.
Bultu-bultong mga produkto ang nasabat kabilang na ang mga sigarilyong may iba’t ibang tatak na hinihinalang mula sa mainland China at Taiwan.
Ayon pa kay Sarmiento, ang mahigit 300 na kahon lamang ng sigarilyo ay nagkakahalaga na ng P7.5 milyon base sa kasalukuyang presyo nito sa merkado.
Kabilang rin sa mga nakumpiska ay mga paputok, insecticide, gamot, at wires.
Pagbibigyan pa aniya nila ang may-ari ng mga produktong ito ng pagkakataon upang magpaliwanag o magpakita ng anumang ligal na dokumento, saka nila ipoproseso ang mga ito sa district collector.
Dinala na sa district office ng BOC Region 10 ang mga produkto upang maisailalim sa mas masusing pagsisiyasat.