Globe at PLDT, pinare-recall na ang mga Samsung Galaxy Note 7

 

Nanawagan sa kanilang mga subscribers ang Globe Telecom at Smart Communications ng PLDT Inc., na ibalik na sa kanila ang mga Samsung Galaxy Note 7 smartphones.

Ito’y matapos tuluyang i-recall ng Samsung ang kanilang mga handsets dahil sa ilang mga kaso ng pagsabog nito.

Ayon kay Yoly Crisanto ng corporate communications head ng Globe, nagpatupad na sila ng proseso upang mabawi ang mga Note 7 sa kanilang mga customers at para mapalitan ito ng ibang device na may kaparehong halaga.

Nakasaad pa sa pahayag ng Globe na tinatayang nasa 2,500 na units ng Samsung Galaxy Note 7 ang kanilang ireretrieve.

Samantala, naglabas rin ng halos kaparehong pahayag si PLDT at Smart public affairs head Ramon Isberto sa kanilang mga customers.

Bukod sa panawagan nila sa mga customers na patayin na at huwag nang gamitin ang kanilang Galaxy Note 7, hinimok rin nila ang mga ito na tumungo sa kanilang store kung sa Smart nila nakuha ang handset.

Inanunsyo na rin ng Globe na ihihinto na nila ang pagbebenta ng Note 7, at hindi na nila ito papalitan ng kaparehong device.

Una nang humingi ng paumanhin ang Samsung dahil sa problemang ito at nagpa-recall ng units, ngunit maging ang mga replacement units nila ay nagkaproblema rin kaya maging ito ay pinababawi na rin nila.

Read more...