Muntik nang magsuntukan sina Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa gitna ng unang pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa mga panukalang Charter Change o Cha-Cha.
Nagkainitan ang dalawa nang igiit ni Pichay na wala sa Konstitusyon ang Constituent Assembly kaya hindi uubra na basta na lamang ipa-convene ito.
Nagmosyon si Pichay na dapat magpasa muna sila ng resolusyon na mag iimbita sa Senado para samahan ang Kamara na mag convene bilang Con-Ass.
Nairita rito si Barbers sabay sabi sa komite na hindi dapat ini-entertain ang ganitong stupid motion.
Napilitan ang chairman ng Constitutional Amendments Committee na si Rep. Roger Mercado na suspendehin muna ang hearing.
Habang suspendido, nilapItan ni Barbers si Pichay at dito na nagkamurahan ang dalawa hanggang sa muntik nang magkasuntukan,
Buti na lamang at naawat na lamang sila ng mga kapwa kongresista.
Bago pa uminit ang sitwasyon, nagmosyon na si Deputy Speaker Gwen Garcia na irekumenda na nila ang pagconvene ng kongreso bilang Con-Ass.
Hinarang ito nina Buhay PL Rep. Lito Atienza at Kabayan PL Rep. Harry Roque dahil masyado umanong premature at tiyak na maaakusahan sila ng railroading ng Cha-Cha.
Nang dahil naman sa tensiyon, nag-adjourn ang hearing na walang nagawang botohan at walang napagkasunduan sa Cha-Cha.