Reklamong inihain vs mga suspek sa Davao City bombing, idineklara nang submitted for resolution

Inquirer Photo | Frances Mangosing
Inquirer Photo | Frances Mangosing

Submitted na for resolution ang mga kasong isinampa laban sa tatlong suspek sa Davao City bombing incident.

Ito ay ayon kay Senior State Prosecutor Peter Lim at paglilinaw nito, ang mga kasong illegal possession of explosives at illegal possession of firearms and ammunitions laban kina TJ Tagadaya Macabalang, Wendell Apostol Facturan at Musali Mustafa ay walang kinalaman sa pambobomba sa Roxas Night Market noong nakaraang Setyembre 2.

Mariin naman itinanggi ng tatlo na may kinalaman sila sa insidente.

Giit ni Lim ang mga kaso ay nag ugat sa pagkakahuli sa tatlo sa isang joint military-police checkpoint sa Cotabato City noong Oktubre 4 kung saan ay nakumpiskahan sila ng mga baril at improvised explosive devices.

Sinabi naman ni PAO Lawyer Ma. Elisa Barquez, abogado ng tatlong suspek, na hindi sa checkpoint nahuli ang tatlo at wala rin mga baril at pampasabog na nakuha sa kanila.

Sandali din naantala ang isinagawang preliminary investigation sa mga kaso nang papiliin ang tatlo kung ano ang kanilang isusumite, ang kanilang sulat kamay na mga salaysay, kung saan diumano umamin ang tatlo o ang mga salaysay na inihanda ng kanilang abogado.

Kinalaunan ay napagdesisyunan na ang salaysay na inihanda ng abogado ng tatlo na lang ang isinumite.

Read more...