Lumusot na ang kumpirmasyon sa makapangyarihang Commission on Appointments ng apat na miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos maantala ang kumpirmasyon noong nakaraang linggo, lumusot na sa CA ang ad interim appointment ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
Lumusot din sa komisyon si Finance Sec. Carlos Dominguez III matapos nitong tiyakin na hindi mawawala ang tulong mula sa ilang bansa sa Kanluran, kasama na ang US, sa kabila nang masasakit na salita na binibitawan ni Ginoong Duterte.
Wala naman naging problema si Labor Sec Silvestre Bello III at agad na itong binati ng mga opisyal at miyembro ng CA.
Bago naman palusutin si Sec. Martin Andanar, nabanggit muna ni Senate President Pro Tempore Franklin Drilon na siya ang kauna unahang pinuno ng Presidential Communications Operations Office ang sumalang sa CA.
Kasunod nito ang bilin naman ni Sen. Gringo Honasan kay Andanar na iwasan na ang mga pagkakamali at magkaka-ibang interpretasyon sa mga pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa ng senador dapat ay dalawa na lang sila ni Presidential spokesman Ernesto Abella na magsalita para sa pangulo para hindi na malilito ang publiko.