Duterte walang balak putulin ang ugnayan sa US

Duterte ButuanNilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala naman talaga siyang intensyon na putulin ang ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos, partikular na ang military alliance.

Gayunman, tinanong niya kung kailangan nga ba talaga ng Pilipinas ang alyansang ito sakaling magkaroon ng digmaan o kaya ay masangkot sa gulo ang bansa?

Kasabay nito ay tinanong rin ng pangulo kung kakailanganin rin ba ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa sa China at Russia o ng kahit anong bansa sakaling mapasok ang Pilipinas sa gulo.

Paliwanag ng pangulo, oras na maglunsad ang China o Russia ng intercontinental ballistic missiles, tiyak na wala nang aasahang ayuda mula sa Amerika dahil wala nang maiiwang malakas na bansa na mamumuno sa lahat.

Dahil dito, binalaan rin ng pangulo ang Amerika maging maingat sa pagiging arogante nito, dahil nakukuha ni Russian President Vladimir Putin ang anumang naisin nito at walang magagawa ang US.

Sakali rin aniyang mangyari iyon, wala nang ibang kakailanganin ang bansa kundi isang pari, o kaya ay baka naisin na lang ng mga tao na bigkasin ang Mi Ultimo Adios o Ang Huling Paalam.

Muli namang ipinahayag ni Duterte ang pangako niya na mas pagtibayin ang relasyon ng Pilipinas sa Russia at China, na bibisitahin niya ngayong buwan ng Oktubre.

Read more...