Hindi pa rin nakakalapit ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough o Panatag shoal hanggang ngayon sa kabila ng naging desisyon ng UN Arbitral Tribunal at nakatakdang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China sa susunod na linggo.
Ayon kay Jowe Legaspi, opisyal ng Barangay Cato sa bayan ng Infanta, Quezon, patuloy silang itinataboy ng mga barko ng China sa tuwing nagtatangka silang makalapit sa Scarborough shoal.
Sa pinakahuling insidente na naganap noong October 3, inirereklamo aniya ng mga mangingisda na taga-Infanta ang muling pagtaboy sa kanila ng mga barko mula sa China.
Sa kanilang kwento, nagtangka silang makalapit sa Scarborough o Panatag shoal nang harangin sila ng mga rubber boats lulan ang mga tauhan ng Chinese coast guard.
Agad sila umanong pinalayas ng mga ito kaya’t walang nagawa ang mga mangingisda kung hindi umalis na lamang.
Ilan pa aniyang mangingisda ang nagsabing nakikita nila ang ilan pang barko ng China na naka-daong sa lugar at mistulang may ibinabaon na mga malalaking tubo na gawa sa bakal.
Dagdag pa ni Legaspi, mistulang nawala na ang ipinagmalaki noon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng eleksyon na magji-jetski patungong Scarborough upang palayasin ang mga Chinese sa area.